Hindi na bago sa atin ang makakita ng mga taong sumasampa sa mga jeep para manlimos. Kalimitan ay mayroong bitbit ang mga ito na lata na tinatambol nila habang kumakanta. Pero ang lalaking ito sa Maynila, literal na kumapit sa patalim dahil umano sa pangangailangan ng pera ay nanlimos ito nang may bitbit na ice pick upang ipanakot sa mga pasahero.
Ang buong kwento, eto.
Sa Rizal Avenue sa Maynila, habang tirik pa ang araw, isang nakakakabang eksena ang naranasan ng mga sakay ng isang pampasaherong jeep dahil sa isang lalaki na sumabit dito.
Ang lalaki kasi na nanlilimos, mayroon palang dalang ice pick na ginagamit nito upang tutukan at sindakin ang mga pasahero kapag hindi siya nabibigyan ng pera.
Agad namang nabisto ang makabagong modus ng mautak na suspek dhail ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, Chief MPD- Intelligence Division, inaakyat ng lalaki ang mga jeep na maraming sakay na babae.
Kapag hindi siya binigyan ng pera ng mga ito, tinatakot niya ang mga pasahero gamit ang bitbit na ice pick.
Sa tulong naman ng barangay at ng mga social media post tungkol sa lalaki upang magbigay ng babala sa mga tao, nahuli ang kawatan sa Severino Street at nakumpiska ang ice pick nito.
Ang suspek, nakulong na rin pala noon dahil sa paggamit ng ilegal na droga at pagsusugal.
Samantala, mahaharap ang lalaki sa kaukulang kaso at habang nasa MANILA POLICE DISTRICT ay sinabi nito na nagawa niya lang daw ang nasabing insidente sa jeep upang makapag-abot ng pera sa kaniyang gilrfriend.
Ikaw, mas mag-iingat ka na ba ngayon matapos mong marinig ang kwento na ‘to?