Natagpuang patay ang isang lalaki sa loob ng septic tank sa Peñablanca, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si John Mark Soriano, 20 anyos, helper at residente ng Barangay Parabba.
Ayon kay Maj. Harold Ocfemia, hepe ng Peñablanca Police, isang opisyal ng Barangay Baliwag ang nagturo sa mga pulis kung nasaan ang bangkay.
Agad namang naaresto ang mga nasa likod ng pagpatay makaraang umamin sa krimen.
Kinilala ang tatlo sa limang suspek na sina alyas Ronron, Junior at Rodel na umaming pinagtulung-tulungan nilang pagpapaluin si Soriano hanggang sa mamatay at inilagay sa septic tank.
Pinagbintangan umano ang biktima na nagnakaw ng cellphone na nagkakahalaga ng 9,500 pesos na pag-aari ng isa sa mga suspek.
Nahaharap naman sa kasong murder ang limang suspek habang nagsisilbing ebidensya ang CCTV footage sa crime scene. —sa panulat ni Jenniflor Patrolla