Dead on the spot ang isang 28 anyos na lalaki matapos itong barilin ng kanyang sariling ama sa Brgy. Lahug, Cebu City.
Kinilala ang suspek na si Eugenio Caballes, 63 anyos.
Ayon sa asawa ng suspek at ina ng biktima na si Louisa, ilang beses nang nanggulo sa kanilang bahay ang kanyang anak, lalo na kapag nakagamit ito ng ilegal na droga.
Batay sa salaysay, inutusan ni Louisa ang biktimang si Kenn na patayin ang mga ilaw sa kanilang bahay.
Makalipas ang ilang oras, napansin niyang nakabukas pa rin ang mga ilaw, kaya pinaalalahanan niya ulit ang anak.
Dito na nagalit si Kenn sa kanyang ina. Sinuway ito ni Eugenio at nagsimula nang magtalo ang mag-ama.
Lumabas si Eugenio ng kanilang bahay at bumalik nang may dalang baril upang takutin ang anak. Sinalubong siya ni Kenn na nanghampas sa kanya ng kahoy sa leeg.
Nang bumagsak si Eugenio sa lupa, pumutok ang baril at natamaan nito sa ulo ang anak.
Kusang sumuko ang suspek sa mga pulis at kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Mabolo Police Station.