Patay ang isang 34-anyos na lalaki matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang bus sa Pugo, La Union.
Ayon sa awtoridad, naganap ang insidente habang bumibiyahe ang motorsiklo sa opposite direction ng Pugo-Rosario Road.
Nang makarating sa kurbadang kalsada, biglang naagaw ng motorsiklo ang linya ng paparating na bus, na nagresulta sa banggaan. Sa lakas ng impact, nagtamo ng malubhang pinsala ang driver ng motorsiklo na dahilan ng agarang pagkasawi nito.
Samantala, ang angkas ng biktima, isang 36-anyos na lalaki at isa ring construction worker, ay sugatan at agad na isinugod sa ospital para sa agarang atensyong medikal.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng awtoridad ang mga detalye ng insidente upang matukoy ang eksaktong sanhi at kung may pananagutan ang driver ng bus.