Noong July 25, 2023, isang lalaking nakilala sa pangalang Chen ang nagtungo sa Yuyao City Fire and Rescue Brigade sa Zhejiang, China.
Sinubukan niyang kausapin ang mga bumbero, ngunit hindi siya maunawaan ng mga ito dahil may nakatakip na t-shirt sa kanyang bibig.
Nang tanggalin ang t-shirt sa bibig, dito nila nadiskubreng may naisubo palang isang LED lightbulb si Chen at hindi na niya ito mailuwa!
Sa una, tinangka ng mga bumbero na mailabas ang bumbilya, ngunit nahirapan sila dahil kailangan nilang iwasang mabasag ito sa loob ng bibig ng lalaki. Kung magkataon, mas lalala ang kalagayan niya.
Dahil dito, idinala nila si Chen sa kalapit na ospital. Iniulat ng mga doktor na hindi na nito maibuka ang bibig para maluwa ang bumbilya dahil sa sobrang ngawit.
Upang mailabas ang bumbilya, napagdesisyunan nilang i-dislocate ang isang panga ng lalaki. Nang bumukas na ang bibig nito, naalis ng mga doktor ang bumbilya nang hindi nababasag.
Ayon kay Chen, dalawang oras nang na-stuck sa bibig niya ang lightbulb nang humingi siya ng tulong sa mga bumbero.
Nang tanungin kung bakit niya isinubo ang bumbilya in the first place, inamin ni Chen na dahil ito sa isang online challenge.
Challenge failed na nga siya, kailangan niya pang sumailalim sa rehabilitasyon dahil sa nangyari sa kanyang panga.
Naging paalala ang kwento ni Chen na huwag basta susubukan at gagayahin ang mga nakikita sa internet, lalo na kung magdudulot ito ng panganib sa iyong buhay.