Isang lalaki ang hinarang ng custom officers sa immigration control point sa pagitan ng Hong Kong at Shenzhen, China.
Nang inspeksyunin ang lalaki, dito tumambad sa mga awtoridad ang higit 100 buhay na ahas na nakatago sa kanyang pantalon!
Ayon sa ulat ng China Customs, sinubukan ng lalaki na makalusot sa border ng Shenzhen mula sa Hong Kong upang ipuslit ang iba’t ibang uri ng ahas.
Inilagay ng lalaki ang mga ahas sa sealed drawstring bags at isiniksik ito sa mga bulsa ng kanyang pantalon.
Karamihan sa mga narekober na ahas ay non-native species o hindi likas na matatagpuan sa China, katulad ng milk snakes at corn snakes.
Hindi na bago sa custom officers sa China ang ganitong modus.
Noong nakaraang taon, isang babae ang hinarang ng mga awtoridad dahil sa kakaibang hugis ng kanyang dibdib. Nang suriin, nadiskubreng may mga buhay na ahas palang nakaipit sa kanyang bra!
Ilang araw lamang bago ang insidenteng ito, isang lalaki naman ang nahulihan ng anim na ahas na ibinalot sa isang medyas.
Isa ang China sa pinakamalaking animal trafficking hubs sa mundo. Dahil dito, mahigpit nilang ipinatutupad ang kanilang biosecurity and disease control laws at sinisikap na sugpuin ang ilegal na kalakalan ng mga hayop.
Mahalagang tandaan na ang pagpasok ng mga hayop na hindi likas sa isang lugar ay magdudulot ng malubhang pinsala sa kalikasan. Sa pamamagitan ng striktong regulasyon at pagpapatupad sa mga batas kaugnay rito, maiiwasan ang malalang epektong nito.