Isang lalaki mula sa Iloilo ang trending dahil sa kanyang kakaibang mukbang videos. Sa halip kasing masasarap na pagkain, hollow blocks ang kinakain niya! Pinapahiran niya pa nga ito ng margarine.
Aminado ang content creator na si Jekerie Bendanillo na mahirap kainin ang hollow blocks dahil hindi naman talaga ito pagkain. May pagkakataon ding bumabara na ang semento sa kanyang lalamunan.
Subalit kinailangan niya itong gawin dahil request ito ng kanyang follower sa social media.
Bilang isang karpintero, kulang ang sinasahod ni Jekerie.
Ngunit nang maging content creator, nagsimula na siyang kumita ng higit P8,000 sa loob ng dalawang buwan na nagagamit niya upang masuportahan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Bukod sa hollow blocks, kumain na rin siya ng sabon, uling, at buhay na alimango. May nainom na rin siyang isang bote na tila muriatic acid ang laman.
Pagbabahagi ni Jekerie, sobrang nahihirapan na siya sa ginagawang videos. Ipinapakita niya lamang sa kanyang pamilya na matatag siya at kaya niya itong gawin, sa kabila ng posibleng panganib nito sa kanyang kalusugan.
Tunay ngang walang katumbas ang sakripisyo ni Jekerie para sa kanyang pamilya. Sana lamang ay maging responsable at maingat din ang followers niya sa kanilang mga kahilingan at huwag abusuhin ang kanyang sitwasyon para lamang sa katuwaan.