Nang mabalitaan nila ang tungkol sa IronMan triathlon, isang kompetisyon na mayroong swimming, cycling, at running events, napagdesisyunan ng magkapatid na sina Pedro at Miguel Ferreira Pinto na sumali.
Ang kakaiba rito? Mayroong cerebral palsy si Pedro.
Oportunidad para kay Pedro ang paglahok sa IronMan triathlon upang maglunsad ng isang national movement: ang magbigay ng awareness sa nararanasan ng mga taong may cerebral palsy.
Hangad din niyang masuportahan ang Association of Cerebral Palsy of Lisbon (APCL) upang makakalap ng pondong pambili ng bus, wheelchairs, at hygiene cranes para sa mga nangangailangan.
Upang makalahok sa IronMan triathlon, walang pagod na inalalayan ni Miguel si Pedro. Isinakay niya ito sa bangka sa 3.8 km swimming event; hinila gamit ang bike trailer sa 180 km cycling event; at itinulak sa wheelchair sa 42.2 km running event.
Naging matagumpay ang pagsali sa naturang kompetisyon ng magkapatid na kilala na ngayon bilang Iron Brothers. Ilang kumpanya at indibidwal ang nagkaloob ng donasyon para sa mga kagamitan nina Pedro at Miguel, at para sa APCL.
Patunay ang pagkakaisa nina Pedro at Miguel na galing sa pagmamahal at suporta mula sa pamilya ang totoong lakas.
Nagbigay rin sila ng inspirasyon at pag-asa sa mga taong may kapansanan. Paniniwala nga ng Iron Brothers, “In life, there are no limits, simply barriers, and everyone can do whatever he wishes.”