Sa isang pambihirang pagkakataon, natuldukan ang paghahanap ng mga pulis sa isang lalaking apat na buwan nang wanted matapos itong mahulog sa kisame ng isang bahay.
Ang buong kwento, alamin.
Mayroong warrant of arrest ang bente-anyos na si Deario Wilkerson sa kasong first-degree murder and reckless endangerment matapos masangkot sa isang insidente noong April 2 sa Memphis, Tennessee.
Ayon sa ulat ng Shelby County District Attorney’s Office, nadiskubre ang nangyaring krimen habang rumeresponde sa tawag ng isang residente ang Memphis Police nang makarinig ng putok ng baril.
Matapos noon ay natagpuan na lamang ang katawan ng biktima na si Troy Cunningham sa gilid ng kalsada na mayroong tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo.
Nakita sa isang CCTV footage kung paano inatake at hinamon ni Wilkerson ng away si Cunningham, habang ang dalawang lalaki na bumaril sa biktima ay tumakas agad. Nakita pa na lumapit si Wilkerson sa katawan ng yumao at mayroon pang pinulot bago tuluyang lumisan.
Nito lamang buwan ng Mayo 2024 nang maaresto ang mga lalaking kasama ni Wilkerson at doon na rin siya nagkaroon ng warrant of arrest.
August 26 nang may makapagsabi naman sa mga otoridad na naghahanap kay Wilkerson na huli itong natagpuan sa 1400 block sa N. Merton, Memphis.
Agad na pinuntahan ng mga kapulisan si Wilkerson sa bahay na pag-aari ng kaanak nito ngunit bigo sila na makita ang lalaki.
Pero ilang sandali bago lisanin ng mga otoridad ang bahay ay bigla na lamang sumulpot si Wilkerson matapos mabutas ang kisame at mahulog ito mula sa attic na kaniyang pinagtataguan at doon na tuluyang natuldukan ang paghahanap dito ng mga otoridad at ang simula ng pagharap nito sa patung-patong na kaso.
Ikaw, anong masasabi mo sa pambihirang paraan ng pagkakahuli sa lalaki?