Nahaharap sa kasong alarms and scandals ang isang lalaking bumaba sa riles ng MRT-3 at kasama nitong nag-selfie.
Pasado alas-7 ng gabi noong Linggo nang mamataan ang mga guwardya ng MRT-3 ang dalawang lalaki sa Quezon Avenue Station (northbound) sa aktong paglabag sa patakaran ng MRT-3 hinggil sa pagbabawal sa pagbaba sa riles ng linya.
Nahuli sa CCTV camera ang 22-anyos na construction worker na si Jerald Oliva na bumaba sa riles habang nag-selfie naman ang kasama nitong si Rey Llasos, 28-anyos na isang tricycle driver.
Sina Oliva at Llasos ay kinasuhan na nang paglabag sa Republic Act 155 o alarms and scandals ng pamunuan ng MRT-3 matapos dalhin sa kamuning police station para sa inquest procedure.
Nakatikim naman ng sermon ang mga suspek kay MRT-3 OIC General Manager Assistant Secretary Eymard Eje hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa pagbaba sa riles ng MRT-3 ng mga hindi otorisadong indibidwal dahil delikado ito at maaaring ikapahamak hindi lang ng susuway sa patakaran subalit gayundin ng iba pang pasahero ng linya.
Dapat aniyang magsilbing leksyon ang insidente sa iba pang pasahero na huwag gawing biro ang mga patakarang ipinatutupad ng MRT-3.
Hinimok ng pamunuan ng MRT-3 ang publiko na i-report ang mga nasabing insidente sa mga transport marshall o security guards na naka-duty sa mga istasyon para kaagad maaksyunan.