Isang lalaking delivery rider na dinukot sa isang gasolinahan sa Taal, Batangas ang natagpuang patay sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ng PNP-Calabarzon ang biktimang si Eugene del Rosario, 25 anyos na natagpuan sa eco-tourism road sa sitio pontor, barangay Bignay 2.
Nadiskubre kahapon ang bangkay ni Del Rosario na nakadapa at binalutan ng packaging tape ang ulo at kamay.
Ayon kay Lt. Col. William Angway, hepe ng Sariaya Police, may tama rin ng bala sa ulo at likod si Del Rosario.
Posible anyang pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang sa sariaya upang iligaw ang mga otoridad.
Batay sa cctv footage, kakababa lamang ni Del Rosario mula sa bus noong Martes ng gabi nang pwersahang bitbitin ng ilang armadong lalaking lulan ng isang kulay gray na sports utility vehicle at gray sedan sa barangay mahabang Ludlod, sa Taal.
Inaalam na ng pulisya ang motibo sa pamamaslang at sino o anong grupo ang nasa likod ng krimen.