Matagumpay na nailigtas ng mga pulis-Quezon City ang isang lalaking hinostage ng kanyang sariling pamangkin sa loob ng Muñoz Market.
Batay sa ulat, alas-11:00 pa kagabi nagsimula ang hostage taking pero dakong alas-5:00 na ng umaga nang na-ireport ito sa mga pulis at alas-6:00 ng umaga nang mailigtas ang biktima.
Kinilala ang suspek na si Joren Capada 27-anyos habang ang kanyang hinostage na tiyuhin ay nakilala lamang sa pangalan na Jerry.
Ayon kay QCPD Chief Superintendent Guillermo Eleazar, dinamba na ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si Capada nang makitang duguan na ang leeg ng biktima mula sa nakatutok na kutsilyo dito.
Agad namang dinala sa QCPD Station 2 ang suspek matapos maaresto habang isinugod sa ospital ang biktima para mabigyan ng lunas ang natamong sugat nito.
Sinabi naman ni Eleazar na hindi pa nila matukoy ang motibo ni Capada sa pang-hohostage pero umamin aniya itong gumagamit ng iligal na droga.
By Krista de Dios | Ratsada Balita Interview