Samut-sari ang naging komento sa isang wedding video sa Facebook dahil tila ibang pangalan ang narinig ng mga tao na binanggit ng groom habang sinasabi ang kaniyang wedding vow.
Totoo nga ba ito? Alamin.
Sa isang maikling video sa Facebook, makikita ang bride at groom na magkaharap at nagtatawanan. Ipinakita rin ang ilan sa mga bisita na naluluha pa.
Dahil sa parte na iyon ng video ay nagpapalitan na ng vows ang ikinakasal, kung kaya naman hindi naiwasan ng mga bisita na maging emosyonal.
Tanging ang lalaki lang ang maririnig na nagsasalita sa video at nanunumpa sa kaniyang bride na mananatili siyang in love rito at magiging matalik nitong kaibigan habambuhay.
Ngunit, doon na pumasok ang pagkalito sa mga nakapanood ng video at sinabing nagbanggit ng pangalan ng ibang babae ang groom.
Ang pangalan naman na narinig ng mga netizen online ay ‘Pau’ na ex-girlfriend pala ng lalaki.
Kung paanong nalaman ito ng mga tao? Ito ay dahil ang groom sa video ay ang Filipino basketball player na naglalaro para sa Barangay San Miguel Ginebra na si Scottie Thompson.
Si Thompson at Pauline o Pau Fajardo ay nagkaroon ng 8-year relationship bago na-engage sa isa’t-isa noong new year’s eve 2021, ngunit naghiwalay noong april sa kaparehong taon.
Makalipas lang ang ilang buwan ay ginulat ng basketball player ang fans nang pakasalan niya ang babae sa video na si Jinky Serrano pagdating ng June 2021.
Ngunit totoo nga ba na ibang pangalan ang sinabi ng groom habang nanunumpa sa kanyang bride?
Sa isang video na uploaded sa Official YouTube channel ni Thompson na may title na ‘Scottie and Jinky Full Wedding Vows,’ maririnig na malinaw na
sinabi nito sa kanilang sumpaan na ‘I vow na to stay in love with you forever’ at hindi ang pangalan ng kanyang ex-fiancee na si Pau.
Maaaring nagkamali ng rinig ang karamihan dahil magkatunog ang vow at Pau, kung saan putol din ang video na kumalat kung kaya’t nagkaroon ng kalituhan sa mga nakapanood.
Sa kasalukuyan, tatlong taon nang kasal sina Scottie at Jinky at may dalawa nang anak. Habang si Pauline naman ay happily in a relationship na rin.
Ikaw, isa ka rin ba sa mga naniwala sa kumalat na video?