Mula pa noon, nagsilbi na bilang magulang para kay Jay Mark Espartero ang kanyang lolo at lola.
Kaya naman matapos ang kanyang pinakahihintay na graduation, agad siyang nagtungo sa sakahan, kahit suot pa ang kanyang toga, upang yumakap at magbigay-pugay sa kanyang mga pinakamamahal.
Siyam na buwang gulang pa lamang si Jay Mark nang iwan ng kanyang mga magulang sa pangangalaga ng kanyang lolo at lola sa Governor Generoso, Davao Oriental.
Kwento ng binata, naranasan niya dating pumasok sa paaralan nang walang baon. Nahirapan ding makapagbayad ang kanyang lolo at lola para sa kanyang exam.
Kaya pangako niya sa sarili, magtatapos siya ng pag-aaral at maghahanap ng magandang trabaho para sa kanyang pamilya.
At ngayon, unti-unti nang natutupad ang mga pangarap ni Jay Mark dahil nagtapos na siya sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Financial Management sa Davao Oriental State University kamakailan.
Sa kasamaang palad, hindi nakadalo sa graduation ang kanyang lolo at lola dahil hirap na silang bumiyahe.
Gayunman, sila ang unang hinanap ni Jay Mark pagkauwi nito. Nang malamang nasa sakahan ang kanyang lolo at lola, agad siyang pumunta rito, hindi alintana ang putik at ang suot niyang toga, upang magpasalamat sa kanilang pagsisikap at sakripisyo para makapagtapos siya ng pag-aaral.
Mensahe ni Jay Mark para sa mga katulad niyang nakararanas ng hirap, hindi hadlang ang mga pagsubok upang makamit ang pangarap; basta’t magpursigi lamang hanggang sa maging matagumpay.