Patay ang 21- anyos na lalaki sa Quezon City matapos makuryente habang kumukuha ng mangga kahapon.
Ayon sa Philippine National Police, kinilala ang biktima na si Ernie Lumahan, residente ng San Vicente, Barangay UP Campus sa Quezon City.
Naganap ang pangyayari dakong alas-12 hanggang ala-1:30 ng hapon.
Kwento ng may-ari ng puno ng mangga na si Mark Mendoza, nagpaalam pa ang asawa ng biktima na mangunguha ng mangga na ibebenta sana para pangbili ng bigas o ulam.
Pero nakarinig na lang sila ng sigaw at dito na nakita si Lumahan na nakatusok sa pader, na may grills, at umaapoy.
Hinintay pang i-shutdown ang kuryente sa lugar bago mailigtas si Lumahan na agad nasawi sa insidente.
Sa ngayon, tinitignang dahilan ng PNP ang panungkit ni Lumahan na may metal sa dulo kaya ito nakuryente.