Tila pampelikula o teleserye ang buhay ni Zhang Huaiyuan mula sa China.
Sa loob ng 33 taon, lumaki sa hirap si Zhang sa isang maliit na nayon sa probinsya.
Sa edad na 17, kinailangan niyang huminto sa pag-aaral upang kumayod at makatulong sa kanyang mga magulang.
Ngunit nang pumanaw ang kanyang ama noong 2023, isang nakagugulat na rebelasyon ang ibinunyag sa kanya ng kanyang ina: hindi sila ang tunay niyang magulang.
Siya pala ay anak ng mga milyonaryong negosyante!
Sa tulong ng mga pulis, sa wakas ay nakita ni Zhang ang kanyang totoong pamilya.
Mga luha at mahigpit na yakap ang sumalubong kay Zhang nang makaharap ang kanyang mga magulang at kapatid sa kauna-unahang pagkakataon.
Inabutan din siya ng kanyang ama ng bank card na may lamang 1.2 million yuan o mahigit P9.5 million.
Ayon sa ulat, idineklara ng doktor na nagpaanak sa ina ni Zhang na namatay ito bilang premature baby.
Subalit ang totoo, buhay na buhay ito at ipinaampon lamang ng doktor sa kanyang kamag-anak na hindi biniyayaan ng anak.
Lumaki man sa hirap si Zhang, nakapagpundar siya ng maliit na pabrika. Mayroon na rin siyang asawa at sariling anak.
Patunay ang kwento ni Zhang na puno ng milagro ang buhay. Ngayong natagpuan niya ang kanyang tunay na pamilya, natagpuan na rin niya ang yaman na hindi lamang materyal, kundi ang pagmamahal na noon ay ipinagkait sa kanya.