Sa kabila ng kanyang iniindang karamdaman, hindi ito naging hadlang para kay Rhedz-Wei Hadjula mula sa Universidad de Zamboanga na manguna sa 2024 Pharmacists Licensure Examination.
Mayroon kasing sakit na thalassemia si Hadjula. Ang isa niyang kuya, hindi na nakapag-aral dahil sa kaparehong karamdaman.
Ang thalassemia ay isang genetic o namamanang blood disorder kung saan hindi nakagagawa ang katawan ng sapat na protina na tinatawag na hemoglobin na mahalaga sa red blood cells.
Dahil hindi sapat ang hemoglobin sa katawan, nagiging anemic ang nakararanas ng karamdamang ito.
Ayon kay Hadjula, “light” lang naman ang kanyang kaso, ngunit nahirapan pa rin siya dahil kailangan niyang manatiling gising kahit gabi upang mag-aral.
Gayunman, naging mabunga ang kanyang pagsisikap dahil hindi lang siya nakapasa sa pinaghandaan niyang exam, kundi naging Top 1 pa!
Lubos naman ang pasasalamat ni Hadjula sa suportang ibinigay sa kanya ng kanyang pamilya na binantayan ang kanyang kalusugan.
Payo niya sa kabataan, panatilihin ang mga paa sa lupa at hanapin ang sarili, dahil kung masaya sa ginagawa, hindi mararamdaman ang anumang pagod.