Kaniya-kaniya talaga ng paraan ang mga tao makatakas lang sa pagkakasala na ginagawa nila. Katulad ng lalaking ito sa thailand na bigla na lang nilunok ang bitbit niyang droga nang habulin ito ng mga pulis sa kalsada.
Kung ano ang kinahinatnan ng lalaki, eto.
Isang gabi habang rumoronda sa isang kalsada sa Thailand si Police Sergeant Major Paphawin Damuang ng Bang Phli Police kasama ang kaniyang kapwa pulis, napukaw daw ang pansin nila ng isang kahina-hinalang sedan na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Habang papalapit daw sila sa nasabing sasakyan ay bigla na lang itong humarurot paalis, dahilan para habulin nila ito.
Pero ang sedan, naipit sa traffic! Kung kaya lumabas ang driver nito at nagtatakbo papalayo habang mayroong bitbit na plastic na naglalaman ng 100 piraso ng methamphetamine pills na isang uri ng iligal na droga.
Pinilipit pa raw ng mga pulis ang lalaki na iluwa ang plastic, pero nginuya niya pa ito at tuluyang nilunok!
Dahil dito ay nagkombulsyon ang lalaki at bigla na lang nawalan ng malay.
Habang hinihintay ang ambulansya ay binigyan ng first aid ang lalaki, at nang dalhin ito sa ospital ay doon na-recover ang nilunok nitong plastic kung saan nadurog ang mga nasabing illegal na droga.
Samantala, nang maka-recover ang lalaki mula sa pag-aagaw-buhay ay mahaharap naman ito sa patung-patong na kaso na dadagdag sa apat na dati niyang mga kaso na may kinalaman din sa droga.
Ikaw, paano ka tumatakas sa mga kasalanan mo kapag nagkakabistuhan na?