Hindi nakatayo ang isang lalaki matapos itong maaksidente sa loob ng kanilang bahay, at mas malala pa ay hindi rin nito nagawang sumigaw kung kaya naman gumamit na lamang ito ng morse code.
Kung paano ito ginawa ng lalaki, alamin.
Sa Washington, USA, isang hindi pinangalanang lalaki ang apat na araw na raw na hindi nakikita at hindi nakokontak ng kaniyang mga kakilala.
Pero nakapagtataka na mayroong kakaibang tunog ng pagkatok mula sa loob ng kaniyang bahay.
Dahil sa pagkabahala, nagdesisyon ang mga kaibigan at kaanak ng lalaki na humingi na ng tulong sa mga otoridad.
Sa video na nagmula sa Pierce County Sheriff’s Department, makikita na nagsagawa ang mga pulis ng welfare check sa bahay ng lalaki kung saan personal nilang narinig ang pagkatok mula sa loob ng bahay.
Kasunod nito ay ang sandali na kung saan ay makikita kung paano unti-unting na-decode ng mga otoridad na ang ibig sabihin pala ng mga pagkatok na ilang araw nang maririnig sa loob ng bahay ay morse code.
Nang mapagtanto ang sitwasyon ng lalaki sa loob ng bahay, agad na binuksan ng mga pulis ang pinto at doon nadiskubre na ito pala ay natumba at hindi makatayo.
Ang dahilan pala kung bakit gumamit na lamang ng morse code ang lalaki ay dahil hindi ito makasigaw at apat na araw nang nakahandusay sa sahig ng kanilang sala.
Tiniyak naman ng mga otoridad na maayos ang kalagayan ng nasabing lalaki at dinala ito sa ospital sa tulong ng fire department.
Ikaw, marunong ka rin bang gumamit ng morse code?