Nadakip ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP), sa pakikipagtulungan ng nangungunang e-wallet Gcash, ang isang lalaki na umano’y gumagamit ng impormasyon mula sa isang nakaw na telepono upang makapanloko ng mga kustomer ng biktima.
Ayon sa PNP, nagsampa ng reklamo ang biktima laban kay Fritz Kelly Siscar, residente ng Brgy. San Bartolome, Quezon City.
Napag-alaman na nagawang ma-access ni Siscar ang social media marketplace platform sa telepono ng biktima na iniulat na ninakaw.
Kasunod nito, ibinenta ng suspek ang ninakaw na gadget sa isa pang tao na binayaran ang yunit na hindi na-deliver ni Siscar.
Matapos madiskubre ang sitwasyon, ang dalawang biktima ay agad na nagsumbong sa PNP na mabilsi ding tinugis at inaresto si Siscar.
Sinasabing ang GCash ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad, tulad ng PNP, CIDG, CICC, at NBI upang protektahan ang kanilang mahigit 79 million users mula sa mga kriminal, scammers, at fraudsters.
Nabatid na ang pagtutulungan ay nagresulta sa pagkakaaresto ng mga pinaghihinalaang scammers at sa pagharang sa mga kaduda-dudang accounts.
Pinalawak ang adbokasiyang ito sa pagpapakalat ng kamalayan sa cybercrime activities, na pinaniniwalaan ng GCash na mahalaga sa pangkalahatang misyon na tiyakin ang seguridad ng mga Pilipino na gumagamit ng digital services.
Ayon sa PNP-ACG, maaaring humingi sa tulong sa kanila sa pamamagitan ng kanilang hotlines na (02) 8414-1560, 0998-598-8116, o via email sa acg@pnp.gov.ph
Dagdag ng pulisya, maaari ring mag-report ng scams at fraudulent activities sa GCash app, website at hotline 2882.
Samantala, nilinaw din ng kompanya na hindi kailanman ito magpapadala ng private messages para humingi ng personal information, lalo na ang MPIN at One-Time Pin (OTP).