Patay ang isang lalaki matapos ma-sandwhich ng dalawang truck habang nagkakabit ng Global Positioning System (GPS) sa Port Area, Manila.
Kinilala ang biktimang si Jay Mark Kee, 32-anyos na residente ng 118 Unit 8 Gen Tinio St., Brgy 132, Bagong Barrio, Caloocan City.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, kinakabitan ng biktima ang hulihang bahagi ng isang nakaparadang trailer truck na may plate number na KAH 4931 at minamaneho ni Mateo Solano Jr., 34-anyos nang isang Isuzu tractor ang bumangga sa likuran ng trailer truck kung saan nakapuwesto ang biktima.
Sa impormasyong nakuha ng mga otoridad, sumakay sa Isuzu tractor head na may trailer at plate number na DCQ 6544 si Marvin Canuel, 25-anyos nang bigla nalang itong umabante.
Dito na nabangga ang nakaparadang trailer truck at naipit ang biktimangt si Kee.
Naisugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) si Kee pero idineklara ring dead on arrival ng doktor dahil sa natamong pinsala sa bahagi ng kaniyang ulo at katawan.
Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang driver ng mga truck habang inihahanda narin ang kaukulang kaso sa responsable sa insidente. —sa panulat ni Angelica Doctolero