Tiklo ang isang lalaki dahil sa paglalagay nito ng spy camera sa ladies comfort room sa isang pribadong kompanya sa kahabaan ng Maria Clara street sa Brgy. Plainview Mandaluyong City.
Kinilala naman ang suspek na si Wilfredo Mendoza.
Base sa inisyal na imbestigasyon, empleyado si Mendoza sa naturang kumpanya.
Ayon naman kay Lieutenant Colonel Jay Guillermo, hepe ng Police Anti-Cybercrime Group’s National Capital Region Cyber Response Unit, na isang babaeng empleyado ang nakakita sa spy camera na nakabalot sa aluminum foil at nakakonekta sa powerbank na nasa may lababo.
Nakita aniya ng babaeng empleyado si Mendoza na pumasok at nagtagal ng ilang minuto sa women’s bathroom kaya’t nagkaroon ito ng hinala.
Agaran namang rumesponde ang ACG operatives sa reklamo at agad na inaresto si Mendoza.
Nakumpiska naman ang isang cellphone at powerbank mula sa suspek.
Samantala, inihahanda na ang mga kasong isasampa sa suspek na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9995, o Anti-Photo and Video Voyeurism Act, RA 9262 o ang Violence Against Women and Children Act, at RA 11313, o Safe Spaces Law. —mula sa panulat ni Hannah Oledan