Isang lalaki sa Cagayan de Oro ang nagpa-home service ng hilot mula sa isa raw chiropractor noong November 18, ngunit sa halip na gumaling ay nabalian ito ng buto!
Ang buong kwento, alamin.
Sa isang video, makikita at maririnig ang malakas na pagtunog ng mga buto sa iba’t-ibang parte ng katawan ng lalaki na kinilalang si Leobert Yurong.
Sa unang bahagi ng video, makikita na tila normal pa ang takbo ng paghihilot ng umano’y chiropractor, hanggang sa bigla na lamang dumaing sa sakit si leobert matapos patunugin ang kaniyang buto sa tuhod.
Base sa x-ray results ni Leobert, makikita na nauwi ang paghihilot na iyon sa pagkabali ng kaniyang buto.
Dahil dito, kinailangan pang lagyan ng bakal ang kaniyang nabaling binti na kung saan ay inabot na ng mahigit 170,000 Pesos ang kaniyang nagastos.
Sinabi naman ng lisensyadong chiropractor at mister ng artistang si Patricia Javier na si Rob Walcher, na ang propesyon na iyon at ang pagsasagawa ng ganoong procedure ay hindi basta-basta at inaabot ng walong taon upang matutunan.
Kasalukuyang nagrerecover si Leobert mula sa kaniyang tinamong injury at may balak na magsampa ng kaso sa pekeng chiropractor na nagsagawa sa kaniya ng procedure.
Ang insidente na ito ay isang paalala na siguruhing kumunsulta sa mga lisensyadong doktor anuman ang kinahaharap na kasong medikal.
Ikaw, anong masasabi mo sa nakakatraumang pangyayari na ito?