Nasakote ng mga otoridad ang isang lalaking nagpanggap na pulis sa Imus, Cavite.
Ayon kay PLTCol Noel Calaptia, OIC ng Imus City Police Station, nahuli si Leo Mendoza, 41 anyos, matapos magsumbong ang isang concerned citizen na may lalaking nagpaputok ng baril ng tatlong beses sa kanilang lugar.
Nagpakilala umano ang suspek na isa siyang pulis na may ranggong SPO2 ngunit sa imbestigasyon ng pulisya ay wala ang pangalan nito sa personnel accounting information system ng PNP.
Nakumpiska mula kay Mendoza ang ilang set ng police uniform, kalibre 45 na baril at mga ID kung saan nakasuot rin ito ng uniporme ng pulis.
Nahaharap ang suspek sa maraming kaso kabilang na ang paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Act, Illegal Use of Insignias at Usurpation of Authority. —sa panulat ni Hya Ludivico