Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms ang isang lalaki matapos magpanggap na tauhan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Team (CIDT), nahulihan ng hindi dokumentadong baril sa Purok 4, Brgy. Lodlod sa Lipa City, Batangas ang suspek na kinilalang si Virgilio Franco.
Agad naaresto ang suspek sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Leo-Jon Ramos, presiding judge ng Regional Trial Court, branch 85 sa Lipa City, Batangas.
Nabatid na binibiktima umano ng suspek ang mga operator ng mga bus, uv express at jeep na may expired na prangkisa at nangako na kaniyang ipoproseso at aayusin ang mga expired na prangkisa kapalit ng P250,000.
Agad na humingi ng tulong mula sa CIDG Batangas ang mga biktima hinggil sa isyu dahilan para makipag-ugnayan ang mga otoridad sa LTFRB Regional Office kung saan, napag-alaman na hindi empleyado ng LTFRB si Franco.
Nakuha naman mula sa suspek ang isang kalibre .45 na pistola, at isang .38 revolver kasama ng mga bala na parehong walang mga lisensya.