Biglang nagising ang diwa ng isang inaantok na lalaki mula sa Jiangsu Province sa China.
Nagsisipilyo kasi ito nang aksidenteng dumulas sa kanyang lalamunan ang hawak na 15 cm na toothbrush. Ang dahilan niya, kulang siya sa tulog kaya hindi niya napansin na nalunok niya na pala ito!
Gamit ang kanyang mga daliri, sinubukan ng lalaki na sungkitin ang toothbrush mula sa kanyang lalamunan, ngunit sa kasamaang-palad, naitulak niya pa ito paloob!
Mabilis siyang nagtungo sa Taizhou Fourth People’s Hospital kung saan siya isinailalim sa maselang gastroscopic operation.
Aminado si Dr. Wang Jianrong, head ng Department of Gastroenterology ng nasabing ospital, na hindi naging madali ang isinagawang operasyon na umabot ng ilang oras dahil madulas ang sipilyo.
Gayunman, pinuri ng doktor ang lalaki dahil agad itong nagtungo sa ospital, sa halip na sumubok ng iba pang home remedy.
Matagumpay namang nakuha ang toothbrush mula sa sikmura ng lalaki na sa ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan.