Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan ng P50 milyong halaga ng giant clams o taklobo sa Negros Oriental.
Kinilala ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang suspek na si Ricardo dela Cruz Jr. na nadakip ng pinagsanib ng puwersa ng pulisya at environment protection operatives sa Barangay Pagatban, Bayawan City.
Nabatid na isang operatiba ang nagsilbing poseur buyer at nakabili ng 1,000 kilo umano ng taklobo mula kay dela Cruz.
Samantala, ang isa pang suspek na si Yan Hu Liang alyas “Sunny” na sinasabing may-ari ng giant clams ay patuloy na tinutugis ng mga alagad ng batas.
Maliban sa marked money at mga taklobo, nakuha rin mula kay dela Cruz ang isang kalibre .45 na baril at mga bala.