Sa halip na panoorin ang pelikula, nakatutok ang mga tao sa pagliligtas sa isang lalaki sa loob ng isang sinehan sa Shandong, China.
Halos hindi na kasi makahinga ang lalaki matapos na mabilaukan sa kinakaing popcorn.
Ang dahilan nito? Sobrang pagtawa sa pinanonood na pelikula!
Isang lalaki ang nakapansin sa lumalalang sitwasyon ng biktima.
Bagamat wala pang karanasan sa pagsasagawa ng Heimlich maneuver, sinubukan niya itong gawin sa biktima dahil walang ibang rumeresponde.
Katulong ang kanyang asawa, matagumpay nilang natanggal ang nakabarang popcorn sa lalamunan ng biktima sa pamamagitan ng paggaya sa technique na napanood niya sa social media.
Sa kabutihang-palad, happy ending pa rin ang kinahinatnan, hindi lamang sa pelikula, kundi pati sa buhay ng nailigtas na lalaki; salamat sa mabilis na pag-iisip at pagkilos ng isang concerned citizen.