Inihatid na sa huling hantungan ang 19-anyos na kadeteng si Vince Andrew Delos Reyes mula sa Brgy. Tagumpay, Baco, Oriental, Mindoro.
Panawagan ng kanyang mga mahal sa buhay: hustisya para kay Vince.
Nag-aaral si Vince sa isang maritime academy sa Calamba, Laguna bilang second year student bago pumanaw.
Batay sa imbestigasyon, pina-report ng isang 3rd year cadet si Vince sa kanilang barracks upang parusahan.
Ang dahilan? Hindi nagustuhan ng senior ang ‘thumbs up’ o like emoji na sinend ng biktima sa kanilang group chat.
Bilang parusa, pinag-ehersisyo nito si Vince ng 100 squat thrusts, 100 pumping, at 100 star jumps. Subalit sa ika-58 na star jump, bigla na lamang siyang bumagsak.
Naisugod pa ang biktima sa ospital, ngunit idineklara ring dead on arrival.
Hindi naman kumbinsido ang ina ng Vince na ehersisyo ang ikinamatay ng kanyang panganay na anak. Iginiit din niyang walang anumang karamdaman ang biktima bago mangyari ang insidente.
Pagdidiin ng ina ng biktima, hindi niya hahayaang ganoon na lamang ang sinapit ng kanyang anak.
Sinampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek.
Ang mga institusyon na katulad ng paaralan ang humuhubog sa kabataan, kaya’t nararapat na isulong dito ang makataong pagtrato at paggalang, kasabay sa pagtitiyak na ligtas ang bawat mag-aaral.
Hiling namin para sa mga mahal sa buhay ni Vince, makamit ang katarungan para sa kanilang anak, kapatid, at kaibigan.