Isang lalaking suspek sa panggagahasa ang inaresto ng mga awtoridad kamakailan sa isang peryahan sa Barangay Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan.
Ang suspek, nahuli pala dahil sa kanyang Facebook story o mas kilala bilang ‘My Day’.
Kabilang ang 26-anyos na lalaki sa listahan ng most wanted persons sa Cavite.
Ayon sa mga pulis, suspek siya sa panggagahasa sa isang 16-anyos na babae sa Camiling, Tarlac. Nakilala ng suspek ang biktima sa pinagtatrabahuhan nitong peryahan sa lugar noon.
Higit dalawang taon na siyang pinaghahanap, ngunit dahil sa kanyang Facebook posts at stories, tuluyan na siyang natunton ng mga pulis.
Hindi man ginagamit ng suspek ang kanyang tunay na pangalan sa social media, masipag itong mag-upload.
Paliwanag ng awtoridad, ibinabahagi ng suspek sa social media ang kasalukuyan nitong lokasyon o aktibidad.
Halimbawa na lang umano noong nagbisikleta ang lalaki. Dahil ipinost niya ito sa kanyang Facebook, na-trace ng mga pulis ang kanyang lokasyon.
Marami rin siyang ipinost na My Day at selfie sa peryahan kung saan siya nanalagi, at sa kalaunan, kung saan siya naaresto.