Minaliit ng Migrante ang mga inilatag ng Pangulong Rodrigo Duterte na magiging laman ng memorandum of understanding o MOU na lalagdaan ng bansa at ng Kuwait.
Ayon kay Arman Hernando, Spokesperson ng Migrante, wala namang bago sa mga inilatag na kondisyon ng Pangulo.
Tinukoy ni Hernando ang paghawak ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanyang pasaporte na aniya ay nasa Kuwait Law Number 68 na noon pang 2016 at iba pang kundisyon sa MOU na makikita na aniya sa mga nalimbag na batas at kasunduan nitong mga nakaraang taon.
Sinabi ni Hernando na dismayado sila dahil wala man lang kahit isa sa mga panukala nila ang isinama sa ikinakasang MOU sa Kuwait.
Kabilang aniya dito ang pagtiyak ng hustisya sa mga inabuso at napatay na OFW sa Kuwait tulad ni Joanna Demafelis, pagturing sa domestic helpers bilang skilled workers, pagtanggal sa privatization ng overseas employment program at gawin itong government to government overseas deployment scheme at pagbuo ng program kung saan unti-unti ay mapabalik na sa Pilipinas ang mga OFW.
“Nadidismaya po kami sa usapin ng bilateral agreement dahil hindi po kami nakonsulta at hindi po nilalaman ng agreement ang aming mga kahilingan at panawagan. Batay po sa mga lumabas na laman ng memorandum of understanding eh wala po kaming nakikitang bago, wala ponmg ipagdiriwang ang mga migrante sa mga nilalaman nito.” Ani Hernando
Binatikos din ni Hernando ang sobrang pagmamalaki ng pamahalaan sa pagpapatupad nila ng ban sa deployment sa Kuwait at pagsusulong ng MOU.
“Sinabi achievement na raw ang nagaganap sa Kuwait, sa amin pong mga migrante, wala po kaming nararamdamang achievement kung hindi trahedya pa rin dahil nagaganap at magaganap pa ang mga paglabag sa karapatan ng mga migrante doon sa Kuwait hangga’t walang konkretong aksyon ang ating gobyerno.” Pahayag ni Hernando
(Ratsada Balita Interview)