Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Albay sa gitna ng napipintong pagputok ng Bulkang Mayon.
Inihirit ni Albay Governor Al Francis Bichara sa Provincial Board na magdeklara ng State of Calamity upang makakilos ang lokal na pamahalaan at lahat ng ahensya sa pagtugon sa anumang emergency.
Patuloy anyang tumataas ang bilang mga evacuee at lumalaki rin ang pangangailangan ng mga ito kaya’t kinailangan na nilang magdeklara ng state of calamity.
Sa kabila ng patuloy pag-agos ng lava mula sa crater at pagbubuga ng abo, nananatili sa level 3 ang alert status ng bulkan.
Legazpi Bishop Joel Baylon nanawagan sa publiko
Nanawagan si Legazpi Bishop Joel Baylon sa publiko na magkasa ng precautionary measures at ipagdasal na huwag nang lumala pa ang sitwasyon ng Bulkang Mayon.
Nakiusap din si Baylon sa mga apektado na sundin ang direktiba ng mga otoridad at suportahan naman ang iba lalo na yung malapit sa evacuation centers.
Kasabay nito tiniyak ni Baylon ang kahandaang magbigay ng ayuda ng diocese of Legazpi sa mga apektado nang pag aalburuto ng Bulkang Mayon.
Camp Simeon Ola sa Legazpi City naka-antabay sa posibleng pagputok ng Bulkang Mayon
Naka-antabay na sa Camp Simeon Ola sa Legazpi City ang mga disaster response unit ng militar para sa posibleng pagputok ng Bulkang Mayon sa Albay.
Ayon kay Lt. Gen. Danilo Pamonag, Commander ng AFP-Southern Luzon Command, naka-alerto na ang lahat ng sundalo at assets ng militar na handang rumesponde anumang oras.
Pinagagamit na rin anya nila ang mga helicopters ng militar para sa aerial survey ng Mayon.
Mahigpit din ang pakikipag-ugnayan ng A.F.P. sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para sa mga residenteng kailangan pang ilikas.