Patuloy pang nangangalap ng mga impormasyon at datos ang NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council kaugnay sa pinsalang idinulot ng magnitude 6.3 na lindol sa Batangas.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, tanging ang lalawigan ng Batangas na lamang na siyang sentro ng pagyanig ang hindi pa nakapagbibigay ng kanilang ulat hinggil dito.
Agad din aniya silang nakipag-ugnayan sa mga TELCO’s o Telecommunication Companies para matiyak na agad mabibigyan ng impormasyon ang publiko sa nasabing pangyayari.
Malinaw naman aniya ang nakasaad sa cellular broadcast messages ang agarang pagbibigay babala at abiso para sa ligtas na pamilyang Pilipino sa panahon ng sakuna partikular na ang lindol.