Muling niyanig ng Magnitude 5.6 ang lalawigan ng Batangas kaninang alas 3:07 ng hapon. Ayon sa pamunuan ng Philvocs, ang naramdamang paglindol ay tectonic ang origin at may lalim na 4 na kilometro sa bayan ng Mabini, Batangas.
Sa inilabas na Earthquake Information bulletin ng Philvocs, naitala ang intensity VII sa Mabini, Batangas, Intensity VI sa Calatagan, Nasugbu at Tingloy Batangas, Intensity V sa Batangas City, Sto. Tomas, Lemery at Tagaytay.
Intensity IV ang naramdaman sa Dasmarinas Cavite, Lucena City at Pateros City. Intensity III sa Makati City, Pasay City, Quezon City, Muntinlupa City, Malabon City, Mandaluyong City at sa Baccor Cavite. Bahagya ring naramdaman ang intensity II sa Daet Camarines Sur.
Sinabi rin ng Philvocs na walang tsunami alert na itinaas dahil pawang inland naman ang pinang galingan ng naturang pagyanig sa Batangas. Pansamantala ring pinatigil ng Philippine Coastguard ang pagbyahe ng mga sasakyang pandagat sa mga byaheng Batangas – Mindoro vice versa.
Patuloy pa ring inaalam ng Philvocs at Office of Civil Defense (OCD) ang mga lugar at lalawigang naapektuhan ng nasabing pagyanig.
Matatandaan na una nang nilindol ang lalawigan ng Batangas noong nakaraang Martes na kung saan nagdulot ng pangamba sa mga residente doon. Pinaghahanda pa rin ng mga kinauukulan ang mga mamamayan sa mga maaring aftershocks na maaring maranasan dahil na rin sa nasabing pagyanig.
Lalawigan ng Batangas muling niyanig ng lindol was last modified: April 8th, 2017 by DWIZ 882