Naitala ng Department of Health (DOH) ang Cebu bilang may pinakamataas na positivity rate sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong Pilipinas.
Ayon kay DOH Director for the Health Promotion and Communication Service Dr. Beverly Ho, mula Hunyo 16 hanggang Hunyo 24, naitala ang 32.8% na positivity rate sa Cebu.
Nangangahulugan itong 30 sa bawat 100 o 1/3 ng mga isinasalang sa COVID-19 test ang nagpopositibo sa virus.
Higit na mataas ito kumpara sa naitalang 7.2% na positivity rate sa National Capital Region (NCR) sa kaparehong panahon.
May dalawang tinukoy na dahilan si Ho sa nakitang pagtaas sa naitatalang kaso ng COVID-19 sa cebu.
Una aniya ay ang pagtaas sa testing capacity ng lugar; at ikalawa ang pagpapatuloy ng community transmission doon.