Umaapela sa gobyerno si Lanao Del Sur Governor Mamintal Adiong, Jr. para itigil muna ang Balik Probinsya Program.
Ito, ayon kay Adiong, ay matapos tumaas ang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang lalawigan na nasa 19 na sa kasalukuyan.
Sinabi ni Adiong na dapat dahan-dahanin ang pagpapauwi ng locally stranded individuals (LSIs) at maging repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) na bago pauwiin sa mga probinsya ay hindi lamang sa rapid test kun’di sa swab test din maisailalim para matiyak na hindi makakahawa ang mga ito.
Nilinaw ni Adiong na hindi naman sa hindi nila tinatanggap ang kanilang mga kababayan subalit kinakailangang mag-ingat dahil sa problema na kakaharapin ng buong probinsya o maging ng mga kalapit na lugar.