Pinagana na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Oplan Listo kasunod ng napipintong pananalasa ng bagyong Rolly.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, inatasan na niya ang lahat ng mga ahensyang nasa ilalim ng kaniyang tanggapan na maagang ilikas ang mga nasa mabababang lugar na bantad sa landslide at flash floods.
Giit ng kalihim, kinakailangan ng mabilisang pagkilos ngayong panahon ng kalamidad lalo’t inaasahang magiging kasing lakas ito ng super bagyong Yolanda na tumama sa bansa noong 2013.
Dagdag pa ni Año, madaling palitan ang mga nasirang ari-arian pagkatapos ng sakuna subalit hindi ang buhay sa sandaling ito’y mawala dulot ng pagwawalang bahala sa kaligtasan ng lahat.
Kasunod nito, sinabi rin ni Año na bukas na bukas ngayon ang mga paaralan para gamiting evacuation center subalit dapat pa rin aniyang isaalang-alang ang mga pag-iingat lalo’t kasabay ng bagyo ay may umiiral pa ring pandemya ng COVID-19.