Pinatututukan ng pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lokal na pamahalaan na tinamaan ng Bagyong Pepito na i-monitor ang mga ‘landslide prone areas’ sa kani-kanilang lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga residente nito.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Mark Timbal, tagapagsalita ng NDRRMC, nais nilang maging maagap ang mga local government units (LGUs) para tumugon sa anumang pupwedeng mangyari lalo’t nagpapatuloy ang hagupit ni Bagyong Pepito.
Ang naging warning natin sa mga local governments natin sa areas, tutukan ‘yung mga areas ng landslide at flood prone para bago pa mangyari ‘yung mga any untoward incidents, maialis na ‘yung kababayan natin sa areas,” ani Timbal.
Sa monitoring ng NDRRMC, ani Timbal, may ilang mga naitalang pagbaha at landslide sa mga dinaanang probinsya ng bagyo.
Kung kaya’t paliwanag ni Timbal, sa mga komunidad na nasa ‘landslide prone areas’, mas makabubuting pansamantalang mailikas ang mga ito, oras na hindi pa sila na-irerelocate ng tirahan.
Lalo na sa mga landslide prone areas, sa mga communities kung hindi pa sila narerelocate, ay i-evacuate muna for the time being,” ani Timbal.
Kasunod nito, ani Timbal, nakahanda ang NDRRMC na magbigay ng tulong sa mga lokal na pamahalaang malubhang tinamaan ng hagupit ng bagyo.
Tayo rito sa national, kapag humingi ang LGUs ng tulong, handa po tayong magbigay ng ayuda kasi we still have P1.2 billion worth of relief items, standby fund,” ani Timbal. —sa panayam ng Santos at Lima sa 882