HALOS dalawang linggo na lang bago ang halalan sa Mayo 9, lalo pang tumibay ang tsansa nina presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at running mate niya na si Inday Sara Duterte na tuluyan nang magwagi ng may napakalaking kalamangan laban sa kanilang mga katunggali.
Ito ay matapos dumalo ang libo-libong taga-suporta ng UniTeam mula sa iba’t-ibang munisipalidad sa Laguna ang nagtungo sa Binan Football Field, Binan City nitong Huwebes upang ipakita ang kanilang solidong suporta para sa kanilang tambalan.
Sa ginanap na grand rally nitong Huwebes, pormal na ring inendorso ni Laguna Gov. Ramil Hernandez si Marcos nang tawagin niya itong susunod na presidente.
Ang Laguna na may kabuuang 2,045,687 rehistradong botante ay pang-apat na pinaka- vote -rich na lalawigan sa buong bansa, kaya naman napakahalaga na makuha ng sino man na tumatakbong pangulo, bise-presidente at senador na makuha ang suporta ng mga taga-lalawigan.
At dahil sa suportang kanilang nakuha, ay lalo pang tumibay ang tsansa ng mga nagungunang sina BBM at Sara na tuluyan ng magwagi sa darating na halalan sa Mayo 9.
“Buong pamunuan ng PDP-Laban kasama po ng iba pang mga partido na nandito ay nagkakaisa para po sa iisang layunin, si Governor Hernandez po bilang pangulo ng PDP-Laban Laguna, ang akin pong presidente at vice president ay BBM-Sara. Akin po ang karangalan na ipakilala sa inyo ang presidente nating lahat, President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,” sabi ng gobernador.
Si Hernandez, na presidente ng Partido Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban)- Laguna, ay laging kasama ni Marcos sa kanyang mga kampanya sa lalawigan ngunit ngayon lang niya ito pormal na inendorso.
Ayon naman kay Binan City Vice Mayor Gel Alonte, kanyang ini-endorso si Marcos dahil ito lang ang kandidatong nakikita niyang bagay na susunod na pangulo ng bansa.
Dagdag pa ni Alonte, gaya ng kanyang ama na si dating President Ferdinand Marcos, Sr. na kilala bilang nagdala ng pag-unlad sa kanilang lalawigan, sigurado siyang pag-unlad din ang dala ni Marcos para sa mga taga- Laguna.
“OK si BBM. Maganda ang nagawa ng tatay niya rito. At siya mismo, isa siya sa nagbigay-daan para maging siyudad ang Binan kaya naniniwala kami na marami pa siyang magagawa rito,” sabi niya.
Sina incumbent Binan City Mayor Arman Dimaguila at kanyang katunggali na si Mike Yatco, na malapit na kamag-anak ni dating MMDA Chairman at UniTeam national campaign manager Benhur Abalos, ay kapwa ini-endorso si Marcos.
“Maraming nagdatingan ditong galing sa mga ibang munisipalidad ng Laguna kasi gusto nilang makita at marinig si BBM kaso hindi naman lahat ng sulok ng Laguna mapupuntahan niya kaya nagsipuntahan sila rito,” sabi ni Dimaguila.
Samantala, nagpasalamat naman si Marcos sa mainit na pagsalubong ng mga taga- Laguna sa kanilang tambalan ni Duterte pati na din sa mga UniTeam senatoriables.
“Maraming salamat sa inyong mainit na suporta sa tambalang Marcos-Duterte at sa buong UniTeam,” sabi ni Marcos.
Inihayag ng presidential frontrunner ang kanyang planong palakasin ang turismo sa Laguna na may likas na magagandang atraksiyon.
“Napakaganda ng Pilipinas at napakadaling ipagmalaki sa buong mundo kaya’t aayusin natin ang ating tourism industry,” sabi pa niya.
Muling ipinagmalaki ni Marcos kung gaano siya kapalad na si Duterte ang kanyang running mate dahil isa ito sa pinaka kwalipikadong tumakbo at may angking katapangan at matinding pagmamahal sa bayan.
“Wag po kayong maniwala sa sinabi niya (pointing to Duterte) na hindi siya ang pinakamabait at pinakamatalinong vice presidential candidate. Gaya ng matagal ko nang sinasabi, naniniwala ako na ako ang pinakamaswerteng presidential candidate dahil ang vice president ko ang pinakamagaling, pinakamatapang, at tunay na nagmamahal sa bansa. Ang Vice President natin, Inday Sara Duterte!” dagdag pa niya.
Ang campaign rally ng UniTeam sa lalawigan at pinangunahan nina Deputy Speaker at Laguna Rep. Marlyn “Len” Alonte, Biñan City Mayor Arman Dimaguila, Vice Mayor Gel Alonte, Hernandez, Vice Gov. Karen Agapay, Rep. Ruth Hernandez at ilan pa.
Maliban kay Marcos at Duterte, bumisita din sina Herbert Bautista, Jinggoy Estrada, Larry Gadon, Harry Roque, Gibo Teodoro, at Sherwin “Win” Gatchalian.