Kinasuhan na ng NBI o National Bureau of Investigation si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña at limampung iba pa kaugnay sa pagpasok sa bansa ng magnetic lifters na umano’y may mga laman na iligal na droga.
Nahaharap si Lapeña ng tig–dalawang bilang ng paglabag sa anti–graft and corrupt practices act at mga kasong administratibo na dereliction of duty, grave misconduct dahil sa kabiguan nito na kasuhan ang mga consignee, importer at broker ng dalawang magnetic lifters na hinihalang may shabu sa port of manila at apat pang magnetic lifters na natagpuang walang laman sa Cavite.
Tinatayang nasa labing tatlong bilyong piso ang halaga ng iligal na droga na pumasok sa bansa na itinago umano sa naturang mga magnetic lifters.
Kasama rin sa kinasuhan ang iba pang opisyal ng BOC at mga negosyante dahil sa pagkakaroon umano ng sabwatan sa nabanggit na shabu shipment.