May dalawang persons of interest na ang militar at pulisya hinggil sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa South seas mall sa Cotabato city noong bisperas ng bagong taon.
Ito’y ayon kay Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th infantry division ng Philippine Army kasunod ng ginawa nilang pakikipagpulong kay National Defense Secretary Delfin Lorenzana kahapon.
Ipinakita sa nasabing pulong ang ginamit na bomba na gawa sa plastic container at mayroon ding electric blasting cap, isang nine volt battery at mga conrete nails na nakadikit sa isang cellphone na may sim card.
Ayon naman kay Police Regional Office 12 Director C/Supt. Eliseo Tam Rasco, nakakuha na rin sila ng kopya ng CCTV kung saan nakuhanan ng camera ang dalawang tao na huling nakita bago mangyari ang pagsabog.
Nag-alok na rin ng kalahating milyong piso ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawang persons of interest.
Magugunitang dalawa ang nasawi habang aabot sa tatlumpu’t apat ang sugatan makaraang sumabog ang isang improvised explosive device malapit sa entrada ng naturang mall.
Habang dalawang IED rin ang nakita hindi kalayuan sa pinangyarihan ng unang pagsabog gayundin sa loob mismo ng nasabing mall na agad din namang nai-alis ng mga awtoridad.
Larawan ng mga suspek sa naganap na pagsabog sa Cotabato City noong bisperas ng bagong taon, inilabas na ng PNP | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/EsEpzy2qg5
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 5, 2019