Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa Intelligence Community ang umano’y pulong ng ilang miyembro ng oposisyon sa mga lokal na opisyal ng Marawi City dalawang linggo bago ang pag-atake ng Maute Terrorist Group sa lungsod.
Ipinakita ni Aguirre ang isang larawan sa kaniyang cellphone kung saan, makikita sina Senador Antonio Trillanes, Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano at dating Presidential Adviser Ronald Llamas kasama umano si Senador Bam Aquino na hindi kasama sa larawan.
Ngunit ayon sa naturang larawan, kasama nila Trillanes, Alejano at Llamas sina dating Pampanga Vice Governor Mark Lapid at Zamboanga Del Sur Vice Governor Ace William Ceriles.
Ayon kay Aguirre, nangyari umano ang pagpupulong nuong Mayo 2 at posibleng nagatungan aniya ng pulong ang ilang grupo sa Marawi na maaaring bahagi ng mga planong pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.
Gayunman, binigyang diin ni Aguirre na kinakailangan pa rin ng matibay na ebidensya para patunayan ang mga nasabing posibilidad kaya’t makabubuting hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo