Patuloy pang inaalam ng AFP o Armed Forces of the Philippines, kung ang lumabas larawan ng isang patay na lalaki ay ang isa sa Maute brothers at pinuno ng teroristang grupo na si Omar.
Ito ay matapos makita sa isang narekober na cellphone ng militar sa Marawi City ang larawan ng sinasabing si Omar na duguan at wala nang buhay habang yakap ng isang hindi nakikilalang lalaki.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/General Restituto Padilla, hindi pa nila masabing kumpirmadong patay na si Omar hangga’t hindi nila nakikita ang bangkay o pinaglibangan nito.
“Sinisikap nating alamin at patuloy ang ating pagbeberipika, hindi pa kumpirmado, hindi tayo nag-aanunsyo with certainty hanggat walang labi at hindi pa natin nakukuha ang pinaglibingan, naniniwala kami na nariyan pa sila at patuloy na pinamumunuan itong kanilang mga kasamahan.” Ani Padilla
Gayunman sinabi ni Padilla na batay sa pagtaya ng mga ground commanders ay aabot na lamang sa 40 hanggang 60 ang mga nalalabing miyembro ng Maute Group.
Patuloy na rin aniyang lumiliit ang hawak na mga lugar ng mga terorista sa loob ng lungsod.
“Less than 1 square kilometer na lang ang kanilang kinaroroonan at patuloy natin itong pinapasok paunti-unti, dahil marami na tayong dapat pag-ingatan dahil malapitan na ang labanan, unti-unti rin nating kine-clear ang mga gusali na dinadaanan natin dahil maraming posibleng patibong, IED na iniwan nila na pinagtutuunan din natin ng pansin.” Pahayag ni Padilla
By Krista de Dios | Karambola Interview