Nasungkit ng Kidapawan City ang titulo sa Guinness Book of World Records para sa pinakamaraming bilang ng nakilahok sa pagsasayaw ng Cha-Cha.
Nabatid na pumapalo sa labing apat na libo, dalawandaan at pitumput lima (14,275) ang sumali sa pagsasaya na karamihan ay mga estudyante mula elementarya hanggang kolehiyo, gayundin ang mga opisyal ng barangay, government employee at senior citizens.
Ang nasabing pagsasayaw ay ginawa noong Agosto at ngayong Martes lamang kinumpirma ng pamunuan ng Guinness sa pamamagitan ng isang e-mail at pag-post sa kanilang website na nakuha ng Kidapawan ang record para sa Largest Cha-Cha Dance.
Ayon kay Joey Recimilla, City Tourism and Promotions Officer ng lungsod, tinalo nila ang record ng Edgefield Primary School sa Singapore na may halos mahigit tatlong libong (3,000) participants.
Tatlong (3) professional dancers ang ipinadala noon ng Guinness sa Kidapawan para saksihan ang pagsasayaw.
Nagpasalamat naman si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa mga nakiisa sa aktibidad na naging dahilan para masungkit nila ang titulo.
By Judith Larino