Dalawa ang patay sa pamamaril ng isang driver-security guard sa bahay ng executive ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation sa Forbes Park Subdivision, Makati City.
Kinilala ang mga biktimang sina Jay-Ar Tomenio at Eugene Sitjar habang suspek si Julius Cortez, pawang mga guwardya sa number 14 Narra Street, South Forbes Park.
Naganap ang insidente sa inuupahang bahay ni Pharmally Executive Rose Nono Lin, mag-a-alas 10 noong Lunes ng gabi.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) agad silang nagpadala ng Special War and Tactics personnel at Tactical Motorcycle Riding Units upang rumesponde sa tawag ng isang concerned citizen.
Gayunman, patay na nang madatnan si Sitjar dahil sa tama ng bala sa ulo at ang kanyang kasamang si Tomenio na tinamaan sa baywang habang hindi na rin naabutan ang suspek.
Narekober ng NCRPO at Makati City Police sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng 9-mm pistol.
Nasakote naman kahapon ng mga otoridad si Cortez at mahaharap sa kasong Murder at Theft.
Sa salaysay nina Bernard Saquing, household staff at Jomar Sol, household security, lasing ang suspek at naghahanap ng ulam sa kusina pero walang nakitang pagkain at biglang pinagbabaril ang mga biktima.
Malapit lamang din ang pinangyarihan ng insidente sa bahay ni dating Economic adviser Michael Yang, isa pang major player sa Pharmally Fiasco na nagtago.
Sa parehong kalye rin lamang ang family mansion ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.