Idinipensa ng SWS o Social Weather Stations ang tanong nito sa pinakahuling Presidential survey.
Nanguna sa naturang SWS survey si Senador Grace Poe at naungusan na ni dating DILG Secretary Mar Roxas si Vice President Jejomar Binay sa ikalawang puwesto.
Ayon kay SWS Information Officer Leo Larroza, hindi pinapalitan ng resulta ng survey ang aktuwal na proseso ng eleksyon.
Binigyang diin ni Larroza na layon lamang ng survey na makuha kung sino ang gusto ng taumbayan na maging susunod na Pangulo ng bansa at hindi ang kandidatong mananalo sa 2016 Presidential elections.
Sinabi ni Larroza na ginagamit na nila ang tanong kung sino ang best leader na uubrang maging successor ni PNoy sa 2016 sa kanilang Presidential surveys simula pa noong 2007.
Hindi na aniya nila gagamitin ang tanong sa sandaling magpalabas na ang Commission on Elections (COMELEC) ng official list ng mga kandidato sa 2016.
By Judith Larino