Naalarma ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lawak ng mga lupaing pangsakahan na ginawang subdivision at iba pang proyektong hindi saklaw ng agraryo.
Ayon kay Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, batay lamang sa datos ng National Irrigation Administration, nasa 50,000 ektarya na ng lupang pansakahan ang naisailalim sa conversion hanggang nitong 2015.
Sa ngayon anya ay nagsasagawa sila ng mabilisang imbentaryo upang malaman ang tunay na lawak ng lupain na ngayon ay hindi na natatamnan.
Binigyang diin ni Mariano na kung nais ng pamahalaan na magkaroon ng seguridad sa pagkain ang bansa, dapat ay ipatupad agad ang panukala nilang dalawang taong moratorium sa land conversion.
“Ang labis na nakakabahala dahil po mahirap idepende ang pangunahing pagkain natin ng mamamayang Pilipino sa Pandaigdigang Pamilihan, kailangan po nating ipreserba lalo na yung mga primera klase nating lupaing pang-agrikultural na patuloy na mailaan sa food production.” Pahayag ni Mariano.
Ayon kay Mariano, hawak na ngayon ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa nilang draft ng executive order para sa dalawang taong moratorium sa land conversion.
Nakasaad anya sa draft EO ang mga klase ng lupaing masasakop ng moratorium.
Bahagi ng pahayag ni DAR Secretary Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano
By Len Aguirre | Karambola