Nanawagan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga alkalde sa Metro Manila hinggil sa pagpapatupad ng no contact apprehension.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi LCSP Head Atty. Ariel Inton, na dumarami ang mga local government units o lgus na nagpapatupad ng no contact apprehension o ang polisiya sa paggamit ng mga cctv, mga digital camera at iba pang gadget o teknolohiya para kumuha ng mga video at larawan sa paghuli ng mga sasakyang lumalabag sa mga batas trapiko, panuntunan at regulasyon.
Ayon kay Atty. Inton, walang magandang maidudulot ang nasabing batas lalo na kung hindi tama ang pagpapatupad ng polisiya.
Sinabi pa ni Atty. Inton na ang no contact apprehension ay isang traffic violation na maituturing na personal violation ng mga driver kung saan, lisensiya ang pinapairal o tinitiketan.
Iginiit ni Inton na sa no contact apprehension, posibleng mapawalang sala ang driver na nagpapatakbo ng sasakyan dahil ang mismong may-ari ng sasakyan ang pananagutin sa paglabag.