Suportado ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang plano ng Philippine Coconut Authority (PCA) na magtanim ng 8.5 million coconut seedlings ngayong taon.
Alinsunod ito sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapagtanim ng 100 million seedlings pagsapit ng 2028 upang maging pinakamalaking coconut exporter ang bansa.
Ayon kay Rep. Villafuerte, hamon sa mga magsasaka ng niyog ngayon ang pagbaba ng mga nakukuhang bunga. Magiging malaking tulong aniya ang pagbibigay sa kanila ng mga bagong kaalaman sa pagpaparami nito.
Kaugnay nito, ipinahayag din ng mambabatas ang kanyang suporta sa plano ng PCA na magkaroon ng kasunduan kasama ang local government units (LGUs) na pangunahing producer ng niyog ukol sa pagpapatupad ng planting at replanting activities, seed farm development at coconut fertilization, at iba pang mga inisyatiba.