Seryosong suliranin na ng buong bansa ang sinasabing patuloy na paglabag sa Republic Act No. 8749 o ang Philippine Clean Air Act of 1999.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Dr. Virgilio Lazaga, Medical Director ng Coalition of Clean Air Advocates of the Philippines, hindi pa rin nasusunod ang mga probisyong nakapaloob sa naturang batas.
Giit ni Lazaga, nakakalungkot na sa kabila ng nasabing batas ay nasasalanta pa rin ng polusyon ang kalusugan ng tao at gayundin ang kalikasan.
“Ang tinatahak po niyan ay ang pagkamatay ng ating hindi nila nalalaman na air pollution related problem, at dito po sa ating bansa para po sa kaalaman nating lahat, ang first 4 mortality causes o sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino ay air pollution related.” Ani Lazaga.
Hangin sa Metro
Lalong lumala ang polusyon sa hangin sa National Capital Region o NCR sa unang tatlong buwan ng taong 2015.
Sa datos ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources o DENR-EMB, pumalo na sa 130 micrograms per normal cubic meter ang air pollutant concentration sa rehiyon.
Ayon kay DENR-EMB Assistant Director Eva Ocfemia, ang pinangunahing pinagmumulan ng dumi sa hangin ay ang lupa, bakterya at virus, fungi, mga pabrika, power generation, at mga sasakyan.
Nagbabala naman si Ocfemia na mas marumi ang hangin sa mga congested areas.
Matatandaang isiniwalat ng World Health Organization na umaabot umano sa 3.2 milyon katao ang namamatay kada taon dahil sa air pollution.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit